Hinimok ngayon ni PNP Chief Gen. Debold Sinas ang iba pang mga private armed groups (PAGs) at mga lawless elements (LLEs) na sumuko na rin sa gobyerno para makapagsimula ng bagong buhay.
Ang paghimok ay ginawa ni Sinas matapos sumuko sa PNP CIDG ang nasa 10 miyembro ng notoryus na Abo private armed groups sa Cotabato City.
“This should encourage other PAGs members and LLEs to return into the fold of the law and live peacefully with their respective families,” pahayag ni Gen. Sinas.
Boluntaryong sumuko sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang naturang grupo.
Personal na sinaksihan ni CIDG Director MGen. Albert Ferro ang pagsuko ng pinuno ng grupo na si Ambei Anso Bansil at ng siyam pang miyembro nito.
Isinuko rin ng grupo ang iba’t ibang klase ng matataas na kalibre ng armas tulad ng home made cal. 50 barret, cal. 7.62 barret, 2 garand rifle, 12-gauge shotgun, 2 magnum .357 revolver, M-79 grenade launcher, KG9, 3 granada at mga bala.
Kinilala ni Ferro ang siyam na iba pang kasamahan ni Bansila na sumuko ay sina: Kamsali Anso Bansil; Johari Anso Villanueva; Johair Anso Villanueva; Samsodin Anso Villanueva; Arnold Anso Mohammad; Abobakar Anso Villanueva; Abraham Udti Anso; Monib Anso Mohammad; Gani Anso Esmael.
Ayon kay Ferro ang nasabing grupo ay kilalang mga followers ng namatay ng Parang, Maguindanao Mayor na si Talib Abo na isa sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa iligal na droga noong 2016.
Mula nang mapatay si Mayor Abo nuong 2019, nabuwag na ang nasabing grupo at nagtungo sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao partikular sa Maguindanao at Zamboanga del Sur.
Dahil sa magandang alok ng pamahalaan na bigyan ng isang maganda at disenteng buhay ang mga dating miyembro ng private armed group, nakumbinsi ang grupo na sumuko na lamang kaysa mapatay ng mga alagad ng batas.