-- Advertisements --

Ikinatuwa at positibong tinanggap ni PNP chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang resulta ng US-based Gallup Poll survey na isa ang Pilipinas sa pinaka-ligtas na bansa sa buong mundo pagdating sa kumpiyansa ng mga mamamayan sa Police at law enforcement agencies.

Ayon kay Cascolan hindi ito nakapagtataka dahil alam ng liderato ng PNP kung paano gabayan at disiplinahin ang kanilang mga tauhan.

Dagdag pa nito na mayroon aniyang ipinatutupad ngayon ang PNP na 9-point agenda na sumusunod sa tatlong pangunahing direktiba ng Pangulong Duterte.

PNP

Ito ay ang paglaban sa korapsyon, pagsugpo ng illegal na droga, at pagtataguyod ng law and order.

Bukod dito mayroon din aniyang sinusunod ang mga pulis na manual tungkol sa “Enhanced Management of Police Operations” na itinuturing nila na parang bibliya.

Sa resulta ng Gallup Poll, naitala sa law and order index na iak-84 ang Pilipinas, na tabla sila ng Australia, New Zealand, Poland at Serbia.

Ang US ay may score naman 85, habang ang nangunang bansa na Singapore, ay nakakuha ng score na 97.

Sa kabilang dako, para kay JTF Covid Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang aggressive anti-crime and illegal drugs campaign at ang istriktong pagpapatupad ng batas ay nakikita na at mayruong magandang resulta.

Ang pahayag na ito ni Eleazar bunsod sa resulta ng 2020 Global Law and order report ng United States-based analytics and advisory firm Gallup kung saan ang Pilipinas ay may score na 84 out of 100.