Ipinag-utos ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga pulis sa MIMAROPA at Western Visayas na paghandaan ang pananalasa ng Bagyong Lannie.
Ito’y ayon sa PNP Chief ay kasunod ng babala ng PAGASA hinggil sa lakas ng hangin at dami ng ulang dala ng bagyo na siyang magdudulot ng malawakang pagbaha gayundin ang pagguho ng lupa.
Inatasan ni Eleazar ang mga local commanders na ihanda ang kanilang mga tauhan para sa preemptive evacuation, disaster response, search and rescue at pamamahagi ng relief goods.
Batay sa datos mula sa weather bureau, asahan ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan dulot ng bagyo sa Western Visayas at MIMAROPA habang mahina hanggang katam-taman naman ang magiging pag-ulan sa CALABARZON, Bicol gayundin sa ilang bahagi ng Mindanao.
“Patuloy ang koordinasyon na gagawin ng inyong kapulisan sa mga Office of Civil Defense at mga Local Government Units upang alamin kung paano makakatulong ang pulis upang matiyak ang kaligtasan at matulungan ang mga kababayan nating nakatira sa mga lugar na dadaanan ng bagyong ito,” pahayag ni Eleazar.
Nanawagan din si Eleazar sa publiko na sumunod sa mga ipinatutupad ng mga awtoridad at lokal na Pamahalaan para siguruhin ang kanilang kaligtasan sa gitna ng kalamidad.
“I would like to remind the public to immediately heed the advice of your respective localities should they require preemptive evacuation because this is for your own safety. In the event of the establishment of evacuation centers, our police personnel should continue to strictly enforce minimum public health standards among evacuees to curb the spread of COVID-19,” pahayag ni Eleazar.