Nagpahiwatig si PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa na may naghihintay nang posisyon sa kaniya sa gobyerno sa oras na magretiro ito sa serbisyo sa darating na January 21, 2018.
Sa ginanap na press conference kanina sa Kampo Crame sinabi ni Dela Rosa na inalok siya ng Pangulong Rodrigo Duterte ng pwesto sa isang ahensyang napakahirap aniya ang trabaho kung saan lahat ng namuno nito ay hindi nagtagumpay.
Aniya, matagal na siyang sinabihan ng Pangulo ukol sa pagbibigay sa kaniya ng trabaho sa gobyerno.
Tumanggi naman si Dela Rosa na ibunyag pa kung ano at saang ahensya ng pamahalaan siya mapupunta dahil baka hindi naman daw ito matuloy at mapahiya pa siya.
Pagbubunyag pa ni PNP chief, hindi lang isang beses kundi paulit-ulit na binabanggit sa kanya ng Presidente ang inaalok na posisyon sa kaniya.