Aminado si PNP Chief Gen. Camilo Cascolan na may kapabayaan din ang mga taong sumugod sa Manila Bay nuong Linggo.
Ayon sa PNP chief “hindi lang pulis ang may kasalanan dito lahat tayo, dapat matuto.
Pahayag ito ni Cascolan matapos ang pagkaka alis sa pwesto ng hepe ng Ermita Police Station na si Lt. Col. Ariel Caramoan, dahil sa hindi nasunod na social distancing ng mga taong dumumog sa Manila Bay white sand beach.
Giit ni Cascolan, sinunod lang nila ang rule of law at bahagi ng command responsibility kaya inalis sa pwesto si Caramoan.
Kasunod nito, sinabi nya na dapat ding isipin ng mga taong sumugod sa Manila Bay ang kanilang pagkakamali.
Posible kasing hindi naalis sa pwesto si Caramoan kung ginawa ng mga bumisita sa Manila Bay ang tama at sumunod sa social distancing.
Sa panig naman ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, sinabi nito na kulang sa initiative ang Hepe ng Ermita.
Kung pinag aralan kasi anya ang sitwasyon at nag-request ng dagdag na tauhan, posibleng naiwasan ang dagsa ng mga tao at hindi mangyayari ang kumpulan sa Manila Bay.
Nabatid na nitong weekend, pansamantalang binuksan sa publiko ang bagong tourist spot na nagkakahalaga ng P389-million.
Naging agaw atraksyon ito kaya dinumog ng publiko.