Inamin ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda na may ginagawa silang loyalty check sa mga police commanders sa Mindanao.
Ito’y kasunod ng panawagang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Sinabi ni Acorda batay sa kaniyang pakikipag-usap sa mga police officials and commanders, kanilang sinabi na ayaw na nilang bumalik sa dati.
Aniya, maraming sakripisyo na rin ang mga pulis at maging ang mga sundalo sa Mindanao lalo na ang pagpapanatili ng kapayapaan at ngayon ay nakamit na ito.
Binigyang-diin ng mga police officials na bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan.
Kumpiyansa naman si Acorda na hindi magpapadala ang mga pulis sa Mindanao sa nasabing panawagan.
Sa tanong kung maaring kasuhan ng sedition si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kaniyang pahayag na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas, sagot naman ni Acorda na kanila ng ipinauubaya sa Department of Justice ang nasabing asunto.
Samantala, sa panig naman ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, malabo ang Mindanao secession dahil labag ito sa konstitusyon.
Binigyang-diin ni Abalos, na buhos ang suporta ng mga Mindanaoan leaders na ayaw ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.