Ipinag-utos na ni PNP Chief PGen Rommel Marbil ang pagpapakalat pa ng mas maraming mga tauhan sa mga komunidad.
Ito ay upang palakasin pa ang kampanya ng pulisya laban sa mga krimen.
Ayon kay Gen Marbil, inatasan na niya ang mga regional, provincial, city, at municipal police na palakasin ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad sa ground level katulad ng Oplan Galugad, Oplan Sita, at patrol operations.
Ang mas maraming presensya ng mga pulis sa komunidad aniya ay tiyak na makakatulong upang masigurong ligtas ang mga komunidad at mga mamamayan.
Ayon sa PNP Chief, una na rin niyang inatasan ang pulisya na bawasan ang mga office o clerical work ng mga pulis upang lalo pang maging aktibo ang 85% ng PNP workforce sa kanilang mga field duties.
Maliban sa mababantayan dito ang kaligtasan ng mga mamamayan, tiyak din aniyang mabubuo ang tiwala at suporta ng publiko sa pulisya.
Ayon kay Marbil, ito ay bilang pagtalima na rin sa naging direktiba kamakailan ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr. na pagkakaroon ng ‘heightened police presence’ at foot patrol upang mabilis makatugon sa mga krimen at anumang pangangailangan.