Ipinag-utos ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang pagpapalakas ng mga operasyon kontra sa mga galamay sa labas ng piitan ng mga nakakulong na drug lords.
Ito’y matapos na malansag ng PNP ang Cebu-based drug operation ng convicted drug lord na si Ronald Aparecio Natividad alias Dodong Toldo, na nakakulong sa San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City.
Ayon kay Gen. Sinas, ito raw ay patunay na patuloy pa ring napapatakbo ang mga nakakulong na drug lords sa kanilang mga iligal operasyon.
Sa ulat ni PNP Drug Enforcement Group director Brig Gen Ronald Lee kay Gen. Sinas, nasa dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6-million ang narekober ng mga pulis mula sa dalawang miyembro ng sindikato ni Natividad na sina Michael Johnlery Olid, at Arnel Degulacion na nasawi matapos makipagbarilan daw sa mga otoridad sa isang buy-bust operation sa South Road Properties, Brgy. Mambaling, Cebu City kahapon ng umaga.
Ang dalawa ay mga tauhan ng anak ni Natividad na si Dave Kelleher na nakakulong naman sa Mandaue City Jail sa kasong illegal drugs.
Habang ang asawa naman nito na si Annabel ay naaresto ng NCRPO at Bacoor City Police noong November 2, 2020 na may limang kilong shabu sa isang buy bust operation.