Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil ang mga police unit sa buong bansa na higpitan ang seguridad, partikular na laban sa mga armadong grupo na maaaring makagambala sa paparating na campaign period para sa 2025 elections.
Ginawa ng PNP chief ang direktiba kasabay ng nagpapatuloy na paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2025 polls na magtatapos bukas, Oktubre 8.
Sa isang statement, sinabi din ng hepe ng pambansang pulisya na kritikal ang kanilang tungkulin sa pagtiyak ng ligtas at patas na kapaligiran para sa lahat ng kandidato maging sa publiko.
Ayon kay Marbil, tututukan ng puwersa ng pulisya ang mga lugar na may kasaysayan ng karahasan na may kaugnayan sa halalan sa pamamagitan ng pagtaas ng police visibility, paglalagay ng mga checkpoint, at patuloy na pagsubaybay sa naturang mga lugar.
Nauna ng naglabas ng mahigpit na babala si Marbil sa lahat ng pulis laban sa pagsisilbi sa mga pulitiko.
Ipinaalala rin niya sa kanila ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mahigpit na neutralidad at pag-iwas sa pakikibahagi sa mga gawaing pampulitika.