Ipinag-utos ni Philippine National Police chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa kapulisan na paigtingin pa ang counter-intelligence (CI) kasunod ng pagkakadawit ng dating mga pulis na nasibak sa serbisyo sa pagkasawi ng Kapampangan beauty queen at kaniyang Israeli fiance sa Capas, Tarlac.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ito ang bilin ng PNP chief partikular na sa CI operatives upang matukoy ang mga kapulisang gumagawa ng ilegal na gawain kabilang na ang mga na-dismiss na sa serbisyo.
Matatandaan, una ng natukoy ng PNP-CIDG ang 7 persons of interest sa pagpatay sa mag-fiance na sina Mutya ng PH Pampanga 2024 candidate Geneva Lopez at Israeli national na si Yitshak Cohen kung saan kabilang sa mga suspek ang umano’y real estate agent na dating pulis na na-assign sa Angeles city station sa Pampanga.
Hawak naman na ng mga PNP-CIDG ang 2 suspek na dating mga pulis na nasibak sa serbisyo noong 2019 at 2020.
Una ng sinabi naman ni PNP spox Col. Jean Fajardo na sa ikinasang search warrant nakumpiska mula sa mga suspek ang mga baril at pampasabog na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga ito.
Batay naman kay National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago na mayroong matibay na kaso laban sa mga suspek at inaasahang isampa ang kaso ngayong araw.