Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na zero-casualty ang naitala dahil sa indiscriminate firing nitong pagsalubong sa bagong taon.
Ayon kay PNP Chief P/D/Gen. Ronald Dela Rosa, bagamat may mga insidente nang walang habas na pagpapaputok ng baril nitong holiday season, wala namang nasugatan o namatay dahil dito.
Iniulat ni Dela Rosa na simula Disyembre 16, 2017 hanggang alas-12:00 ng tanghali ng Enero 1, 2018, nasa 26 ang arestado dahil sa iligal na pagpapaputok ng mga baril kung saan apat ang pulis, dalawa ang sundalo at 20 ang sibilyan.
Nasa 74 naman ang inaresto dahil sa iligal na pagbebenta at pag-gamit ng mga bawal na paputok.
Binati naman ng PNP chief ang mga tauhan sa naging matagumpay na pagpapatupad ng “ligtas paskuhan 2017.”
Tinukoy ni Dela Rosa ang pagpapalabas ng pangulo ng EO 28, ang pakikiisa ng mga LGU’s sa pagdesignate ng community fireworks zones, ang aktibong pagbabantay ng publiko, ang 100 porsyentong deployment ng PNP at ang intensified campaign laban sa bawal na paputok ang dahilan ng naging ligtas na pagsalubong sa bagong taon.