Para kay PNP chief Gen. Dioanardo Carlos, ang paglagay sa pwesto ng mga opisyal ng PNP ay para sa benepisyo ng buong organisasyon at hindi para sa benepisyo ng mga inilagay sa pwesto.
Ito ang binigyang diin ni Carlos matapos na lumutang ang mga reklamo ng ilang mga senior officials na naungusan umano ng mga mas bata sa kanila sa huling balasahan na ipinatupad ng PNP.
Ipinaliwanag ng PNP chief na ang seniority ay isa lang sa mga factor na tinitignan sa promosyon.
Kasama din aniya sa kinokonsidera sa promosyon ng mga opisyal ay ang kanilang merito, reputasyon, track record, background, karakter.
Ang lahat aniya ng mga ito ay pinag-aaralan ng Senior Officer Placement and Promotion Board na umaakyat sa Committee of 3 para aprubahan.
Sinabi ni Carlos na bahagi ito ng subok na sistema, para masiguro na mailalagay sa pwesto ang mga karapat-dapat na tao.
Payo naman ng PNP chief sa mga nabigyan na pwesto na paghusayan ang kanilang bagong trabaho bilang pandagdag sa kanilang kwalipikasyon para sa susunod na promosyon.