-- Advertisements --

Hindi tinanggap ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa ang resignation ni Philippine National Police Academy (PNPA) director, C/Supt. Joseph Adnol.

Ayon kay Dela Rosa, nang magkausap sila ni Adnol ay sinabihan na siya nito na magbibitiw na lamang sa puwesto kasunod ng insidenteng pambubugbog sa anim na bagong PNPA graduates kung saan mismong mga lowerclassmen ang mga suspek.

Nahihiya umano si Adnol sa nangyari kung kaya nais nitong mag-resign nalang.

Pero bilin ni Dela Rosa kay Adnol na imbes mag-resign ito, ayusin na lamang nito ang sinasabing tradisyon sa akademya na pagganti ng junior cadets.

Samantala, ipinauubaya na rin ni Dela Rosa sa pamunuan ng PNPA na resolbahin ang kontrobersya.

Ayon kay Dela Rosa, hindi niya jurisdiction ang PNPA dahil ang Philippine Public Safety College ang siyang namamahala dito.

“Well I have talked to the parents lalo na yung 4 na severly injured naka usap ko sila then I advised them please let the PNPA management handle this internal problem, pag usapan nila but then again we cannot stop the complainants from filing criminal charges against the suspects,” wika ni Dela Rosa.

Dagdag nito na sa ngayon ay nagsasagawa na ng independent probe hinggil sa insidente ang akademya.

Kasunod nito ay nilinaw ni Dela Rosa na wala pang ginagawang imbestigasyon ang PNP dahil wala pang nagsasampa ng pormal na reklamo.