-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang alituntuning umiiral sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan kinakailangan pang magpaalam ng mga kinatawan ng pulisya sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa mga lugar na umano’y teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Kaugnay pa rin ito sa naging pananambang ng mga armadong kalalakihan sa grupo ng Ampatuan Municipal Police na magsisilbi sana ng warrant of arrest sa Barangay Kapinpilan.

Sa isang press briefing ay sinabi ni Azurin na lumabas sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon ang ilang claim na nagsasabing kailangan munang magpaalam ng kapulisan sa pagpasok sa nasabing lugar.

Aniya, sa katunayan ay hindi na dapat pang magpaalam ng kapulisan sa mga ganitong lugar at sitwasyon dahil nag-iisa lamang ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bansa na nagpapatupad ng seguridad at nagsisilbi sa taumbayan.

Dagdag pa ni Azurin, kung magpapatuloy ang pag-iral ng ganitong alituntunin sa lugar ay walang magiging kasiguraduhan na mahuhuli ng pulisya ang mga wanted person na kanilang hinahanap lalo na’t lumalabas aniya sa kanilang imbestigasyon na nananatili lamang ang mga ito sa nasabing lugar.

Samantala, sinabi rin ni Azurin na panahon na para sa kanilang counterpart na magpakita ng sinseridad na gusto rin nito ng kapayapaan alinsunod sa napag-usapang kasunduan ng magkabilang panig gayung matagal na aniyang hinahangad ng pamahalaan na makamit ang kapayapaan sa Mindanao.