-- Advertisements --

Nakatakdang mag-ikot sa Mindanao si Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Oscar Albayalde, ilang araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa darating na May 14, 2018.

Kabilang sa mga lugar na bibisitahin ni Albayalde ang Zamboanga, Basilan, Sulu, at Tawi Tawi.

Mahigpit ding pinapatutukan ni Albayalde ang mga lugar sa Mindanao na may una nang kasaysayan ng “intense political rivalry.”

Sa panayam kay Albayalde, sinabi nito na magpapadala siya ng karagdagang puwersa sa Mindanao partikular na sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) para matiyak na maiiwasan ang election-related violence sa lugar.

Sa 5,744 barangay na nasa election hotspots, 832 rito ay mula sa ARMM.

Bukod dito, nasa rehiyon din ang 172 baranggay na idineklarang category 3 o lugar kung saan maraming banta ng kaguluhan sa eleksyon.

Ayon kay Albayalde, mag-iikot siya sa Mindanao para personal na tignan ang sitwasyon ng seguridad doon.

Mahalaga kasi aniya na makita ang kahandaan ng mga pulis sa lugar at para rin makapagbigay siya ng instructions.

Una nang sinabi sinabi ni Albayalde na all systems go na ang kanilang hanay at nasa 160,000 na pulis ang kanilang ipapakalat sa sa iba’t ibang polling precincts sa buong bansa.