Dinipensahan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil ang mga kapulisang sangkot sa paghalugad sa private properties ng kontroberisyal na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa Davao city.
Ayon sa PNP chief, ginawa lamang ng raiding team na binubuo ng mahigit 100 kapulisan ang kanilang trabaho sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa Pastro at 5 iba pa noong Hunyo 10.
Sinabi pa ni Marbil na isang pugante at hindi ordinaryong mga tao ang hinuhuli ng kapulisan na nasasangkot sa human trafficking at child abuse na inisyu ng mga korte ng Pasay city at Davao city.
Matapang ding sinabi ni Marbil na nakahanda ang PNP na harapin ang anumang mga kaso na maaaring ibato laban sa kanila at inihayag na tutulungan ng organisasyon ang lahat ng police officers na maaaring kasuhan kaugnay sa isinagawang raid.
Saad pa ng PNP chief na hindi sila natatakot dahil ito ay isang legal order at hindi ilegal.
Ang pahayag na ito ng PNP chief ay matapos sabihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na malapit na kaibigan ng Pastor at itinalagang caretaker ng ari-arian ng KOJC, na gagawa siya ng legal at kaukulang aksiyon laban sa mga pulis na sangkot sa raid para sa umano’y paggamit ng labis na pwersa.
Subalit itinanggi naman ng PNP chief na gumamit umano ng excessive force ang kapulisan at sinabing ang mga tagasunod ni Quiboloy ang siyang humarang sa mga pulis para mapigilan ang mga itong mapasok ang properties ng pastor.
Iginiit din ni Marbil na hindi naging marahas ang mga pulis at mas maraming nasaktan sa kanilang panig.
Sa katunayan, binabasa pa ng mga tao ng water hose ang mga pulis na aniya’y hindi pagrespeto sa mga awtoridad at maaari din aniya silang magsampa subalit hindi nila ito ginawa dahil pinairal pa rin ang maximum tolerance.
Samantala, pagtitiyak ng hepe ng pambansang pulisya na tuluy-tuloy parin ang paghahanap nila kay pastor quiboloy at hindi sila titigil hanggang maaresto ang pastor.