Nagbigay ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil nitong Linggo na i-rationalize ang deployment ng Police Security and Protection Group (PSPG) personnel,at bigyang priyoridad ang mga indibidwal na identified na may high-security threats.
Ayon sa pahayag ni Marbil, layunin ng hakbang na ito na makamit ang ideal police-to-population ratio na 1:500. Sa kasalukuyan kase aniya, isang pulis ang responsable sa humigit-kumulang 2,000 katao.
Ang kautusang ay inilabas matapos ang pagtapyas ng 75 PSPG personnel na naka-assign sa seguridad ni Vice President Sara Duterte, na ililipat sa ibang police units.
Sa kabila nito, tiniyak ni Marbil na patuloy na magkakaloob ng mataas na antas ng seguridad ang PNP para kay Duterte, binigyang-diin ni Marbil na si Duterte ay nananatiling may pinakamalawak na security detail kumpara sa kanyang mga nakaraang kahalili.
Iniulat din ni PSPG Director Police Brigadier General William Segun na 31 PNP personnel pa rin ang naka-assign sa seguridad ni Duterte, habang ang 75 PSPG personnel na naitalaga sa kanya ay nailipat na sa National Capital Region Police Office.
Dagdag pa ni Marbil, ang naturang bilang ng pwersa ng pulisya ay nakatuon sa pagbibigay ng seguridad para sa Bise Presidente sa kanyang mga byahe sa buong bansa.
Una nang iniulat na noong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na iniutos ni Marbil noong Hulyo 22 ang pag-bawas ng 75 PSPG personnel mula sa kanyang seguridad. Pero sa kabila nito, ayon kay Duterte, ang kautusan ni Marbil ay hindi makakaapekto sa kanyang trabaho sa Tanggapan ng Bise Presidente.