Muling bubuksan ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa pagkamatay ng pinaslang na retiradong heneral ng pulisya at dating kalihim ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Wesley Barayuga.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, ito ay dahil sa bagong testimoniya na nag-uugnay sa ilang matataas na opisyal sa pagpatay sa dating opisyal ng pulisya noong 2019.
Kasunod nito, inatasan ni Marbil ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na manguna sa imbestigasyon.
Una nang iniulat na ibinunyag ni Police Lt. Col. Santie Mendoza sa isang pagdinig ng House Quad Committee noong Setyembre 27 na inutusan siya ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo at ng dating PCSO General Manager Royina Garma na planuhin ang pagpatay.
Sinabi ni Mendoza na inutusan siyang isagawa ang anila’y “operasyon” laban kay Barayuga.
Sa kanyang testimoniya, sinabi ni Mendoza na nagbigay umano si Garma ng intel para sa operasyon, na may kinalaman sa isang high-value individual na sangkot sa iligal na droga.
Dahil sa mga naturang pahayag, binigyang-diin ni Marbil na kinakailangang buksan muli ang imbestigasyon sa kaso na mula pa noong 2019.