Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil sa lahat ng police units na paigtingin pa ang kanilang ginagawang paglansag sa mga peke at smuggled na sugarilyo sa bansa na banta sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ng tabako gayundin sa kalusugan ng publiko.
Kabilang aniya sa kanilang pinaigting pa na kampaniya ay ang mas mahigpit na surveillance, border controls at coordinated operations sa iba pang law enforcement agencies.
Inisyu ng PNP chief ang naturang pahayag kasunod ng mga napaulat na ilegal na kalakalan ng nagresulta sa pagkalugi ng gobyeno na pumapalo ng P25.5 billion na revenue kada taon.
Base sa data mula sa Bureau of Internal Revenue, inihayag ni Gen. Marbil na bumaba ng 15.9% ang revenue noong 2023 dahil sa paglipana ng smuggled na sigarilyo sa bansa.
Para naman ngayong 2024, ayon sa report ng ahensiya umaabot na sa P6.6 billion ang nawalang revenues ng pamahalaan.
Samantala,umapela naman ang PNP chief sa publiko na tulungan ang pambansang pulisya sa kanilang kampaniya at ireport ang anumang kahina-hinalang mga aktibidad may kaugnayan sa pagbebenta at distribusyon ng mga pekeng sigarilyo.