Nakatanggap ng papuri ang mga tauhan ng Police Regional Office 5 (Bicol) mula kay Philippine National Police Chief Police General Rommel Francisco Marbil.
Ito ay dahil sa kanilang masigasig na pagbabantay at pagmamando ng trapiko sa Andaya Highway sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon kay Marbil, ang mga pulis na ito ay hindi matatawaran ang kanilang sakripisyong ginawa na sa kabila ng pagdiriwang ng Pasko ay nanatili ang mga ito sa naturang lugar.
Ito ay para tuparin ang kanilang mandato sa publiko na magsilbi at magbigay proteksyon sa lahat.
Malaki rin aniya ng naging positibong resulta ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.
Maaalalang ipinag-utos ng PNP ang pagpapakalat ng karagdagang personnel sa naturang lugar para umasiste sa mga motorista na inabutan na ng Noche Buena sa daan dahil sa mabigat na lagay ng trapiko.