Nanindigan ang PNP na hindi nila babarilin ang sinumang susuway at maghahasik ng kaguluhan sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine bunsod pa rin ng coronavirus pandemic.
Sa kabila ito ng ibinabang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan dapat umanong barilin ang mga lalabag sa umiiral na patakaran sa gitna ng krisis.
Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, posibleng na-overemphasize lamang daw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panuntunan sa implementasyon ng quarantine.
Giit ni Gamboa, nakikita nila ang malakas na mensahe at nauunawaan daw ng pulisya ang utos ng Pangulong Duterte.
Kagaya aniya ng kanilang ginagawa sa tuwing may mga rally, lagi nilang papairalin ang maximum tolerance sa ganitong mga sitwasyon.
Ang utos na ito ng Pangulong Duterte ay lumabas ilang oras matapos magprotesta ang ilang grupo ng mga residente sa Quezon City kahapon dahil sa umano’y hindi pagbibigay sa kanila ng ayuda ng lokal na pamahalaan.
Inihayag ni Gamboa na nagbaba na rin siya ng kautusan na sampahan ng kaso ang mga naaresto sa kilos protesta.
Dagdag din ni Gamboa, iniimbestigahan na rin ang isang pulis Maynila na na-videohang pinagpapalo at minumura ang mga lumalabas ng bahay.
Binigyang diin ng heneral na hindi kukunsintihin ng PNP ang pag-abuso sa pagpapatupad ng batas.