Nagbabala si PNP chief PGen. Archie Francisco Gamboa na diretso na nilang aarestuhin ang sinumang mga lalabag sa enhanced community quarantine (ECQ).
Ito’y sakaling magpasya ang pamahalaan na magpatupad ng mala-martial law na implementasyon ng ECQ ng mga otoridad bilang tugon sa krisis sa COVID-19.
Ayon kay Gamboa, kanila raw kakasuhan ang mga violators ng paglabag sa Bayanihan to Heal As One Act, at sa Revised Penal Code.
Una nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar at pulisya na maghanda na mag-take over sa pagpapatupad sa social distancing at curfew.
Inihayag na rin ni Gamboa na handa ang buong puwersa ng pulisya sakaling magdesisyon ang Pangulong Duterte na mag-take over ang security forces ngayong panahon ng krisis.
Tiniyak naman ng hepe ng pulisya na isasaalang-alang nila ang karapatang pantao sa pagpapatupad ng mga batas ng quarantine, na inaasahang matatapos na sa Abril 30.