Nagpaalala si Philippine National Police Chief General Rommel Francisco Marbil sa mga kapulisan na huwag hayaang maimpluwensyahan o magamit ng mga pulitiko habang nalalapit na ang paghahain ng COC sa October 1-8 para sa 2025 midterm elections
Sa isang statement, inatasan ng PNP chief ang lahat ng local police units na manatiling mapagbantay at gampanan ang kanilang tungkulin nang mahusay sa ilalim ng Quad principle at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Pinaalalahanan din ni Gen. Marbil ang bawat opisyal na ang pagiging neutral sa pulitika ay isang pangunahing responsibilidad.
Ipinunto din niya na ang kanilang tungkulin ay pairalin ang batas at kaayusan nang walang bias o political partisan at sinabing ang sinuman na masasangkot sa partisan activities ay tutugunan nang naaayon.
Naatasan din aniya ang PNP na protektahan ang demokratikong proseso at hindi ang pakikilahok dito.
Kaugnay nito, binigyang diin ng PNP chief na anumang uri ng political interference, direkta man o hindi ay agad na tutugunan ng kaukulang aksiyon
Nagpaalala din ito sa kapulisan kaugnay sa kanilang tungkulin na siguruhin ang mapayapa, maayos at ligtas na halalan gayundin sa publiko na makipag-tulungan sa mga awtoridad at ireport ang anumang iregularidad sa law enforcement personnel.