Tiniyak ni PNP vhief Gen. Guillermo Eleazar sa publiko na hindi hahayaan ng PNP ang mga narco-politicians at ang mga kandidato na gagamit ng “guns, goons and gold” na mamamayagpag sa nalalapit na halalan.
Ang pahayag ni Eleazar ay bunsod sa pagkaka-aresto sa isang mayoralty candidate sa bayan ng Northern Kabuntalan sa Maguindanao.
Kinilala ni Eleazar ang suspek na si Tom Nandang alyas Datukon Nandang, 52.
Narekober mula sa suspek ng mga operatiba ng PNP, AFP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P5 milyong halaga ng hinihinalaang shabu at isang cal. 45 pistol.
Ayon kay Eleazar, patunay ito na seryoso ang PNP sa paghahabol sa mga kandidatong sangkot sa mga kriminal na aktibidad.
“I am reiterating my warning against political aspirants with connections to criminal groups, you will be arrested. The PNP will stop you from using your guns and goons to try to steal the elections from our kababayan,” pahayag pa ni Gen Eleazar.
Pinuri ni Eleazar ang pagkaaresto kay Nandang at sinigurong palalakasin pa ng PNP at PDEA ang kanilang kampanya laban sa mga narco-politicians.
Kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng PDEA ang suspek habang hinahanda ang kasong isasampa laban dito.
Inatasan naman ni PNP chief ang local police na magsagawa ng malalimang imbestigasyon para matukoy kung sino ang mga kasabwat nito.