Nagbabala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito na huwag pakialaman ang mga sasakyang nakumpiska nila sa mga operasyon at ginagamit nilang bilang ebidensiya.
Ang babala ni PNP Chief Gen. Archief Francisco Gamboa matapos maaresto ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang miyembro ng Pulis – Pasig dahil sa paggamit nito ng nakumpiska nilang motorsiklo mula sa isang Anti – Drug operation.
Kinilala ni IMEG Director P/BGen. Ronald Lee ang naarestong Pulis na si P/Cpl Esteven Mark Pandi ng Pasig City Drug Enforcement Unit na nahuling nakasakay sa isang mamahaling motorsiklo nang walang plaka at mayruon pang angkas na isang paglabag naman sa quarantine protocols
Nabatid na kabilang ang nasabing motorsiklo sa imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa isang anti-drug operation sa Pasig noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Sinabi ni Gamboa, may katapat na kaso at parusa para sa sinumang Pulis na gagamit ng mga kumpiskadong sasakyan o di kaya’y magbabaklas ng mga kagamitang naruon sa kanilang Standard Operating Procedure (SOP).
Sa datos ng PNP, nasa 3,167 mga Pulis na ang naipagharap ng mga kasong Administratibo kung saan 946 dito ang sinibak na sa serbisyo; 121 ang na-demote; 1,380 ang nasuspinde; 271 ang hindi pinasusuweldo; 365 ang kinastigo; 28 ang inilagay sa floating status habang 56 ang binawian ang pribilehiyo.