Nananawagan si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga nagnanais na tumakbo sa 2022 elections na manguna sa mahigpit na pagsunod sa minimum health safety sa paghahain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC).
Ayon kay Eleazar, dapat magsilbi ring mga halimbawa ng disiplina at pagsunod sa health protocols ang mga kandidato lalo na sa kanilang mga tagasuporta sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19).
“Personal akong nakikiusap sa mga kandidato, kasama ang kanilang mga supporters, na patuloy ninyong irespeto ang mga patakaran ng Comelec at ng ating pamahalaan tungkol sa public safety sa inyong pag-file ng COC. Dahil kung hindi, paano ninyo makukumbinsi ang mga botante na magiging epektibo kayong mga lider kung ang simpleng pag-didisiplina sa inyong mga taga-suporta ay hindi ninyo magagawa,” pahayag ni Gen. Eleazar.
Binigyang-diin ni PNP Chief, dapat tiyakin ng mga maghahain ng kanilang COCs na protektado rin ang kanilang mga tagasuporta sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards.
Batay sa monitoring ng PNP, nanatiling mapayapa at maayos ang unang araw ng paghahain ng COC matapos itong paghandaan ng mga pulis at patuloy ding babantayan ng PNP ang sitwasyon hanggang sa huling araw.
“Tahimik at maayos ang unang araw ng filing ng Certificate of Candidacy and we attribute this to the preparations and hard work of our personnel and their commanders on the ground,” ayon kay PGen Eleazar.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na suspendido ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) para masigurong walang anumang insidente ng karahasan ang maitatala sa loob ng walong araw.