Nanawagan ng pakikiisa si Philippine National Police Chief Police Gen. Guillermo Eleazar sa publiko na sundin pa rin ang minimum health standards gayundin ang quarantine protocols.
Ito’y makaraang bawiin ang pagpapatupad ng General Community Quarantine sa Metro Manila at sa halip ay pinalawig pa ang Modified Enhanced Community Quarantine simula ngayong araw.
Ayon kay Eleazar, gitna ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID sa bansa, kailangan ng pagkakaisa at malawak na pang-unawa upang maitawid ang seryosong hamon ng pandemya.
Kasunod nito, iniulat ni Eleazar na Humigit kumulang 9,000 pulis ang kasalukuyang nagmamando sa 942 Quarantine Control Points sa bansa kung saan ay halos 1,000 pulis naman dito ang nagmamando sa mga QCPs sa Metro Manila.
Aabot naman sa 158,271 ang kabuuang bilang ng mga nasita dahil sa paglabag sa minimum public health safety sa Metro Manila mula Agosto 21 hanggang Setyembre 7.
Habang sa mga karatig lalawigan naman tulad ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna, aabot sa kabuuang 609,344 ang lumabag sa MPHS habang 147,862 naman ang lumabag sa curfew at kabuuang 36,513 ang lumabag sa mga probisyon ng non-essential travels.
“Sa gitna ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID sa ating bansa, ang ating pagkakaisa at malawak na pang-unawa ang kailangan upang maitawid natin ang seryosong hamon ng pandemya na kinakaharap natin ngayon. Mananatiling kaagapay ninyo ang inyong PNP sa pagharap sa hamong ito,” pahayag ni Gen. Eleazar.