Aminado si PNP chief PDGen Gen. Ronald Dela Rosa na talagang nanghinayang siya sa pagbawi sa kanila ang kampanya kontra droga ng pamahalaan dahil nagkaroon din naman ito ng magandang bunga, pero wala din aniya silang magawa kundi sundin ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Dela Rosa na sayang talaga ang effort ng PNP kung saan 100 percent naka pokus ang 185,000 strong PNP personnel sa kampanya kontra droga.
Inihayag nito na hindi naman sumama ang kaniyang loob na binawi sa kanila ang anti-drug war campaign ng pamahalaan.
Giit ni PNP chief na ngayong wala ng kapangyarihan ang PNP sa war on drugs, malaki ang posibilidad na balik na naman sa kanilang iligal na aktibidad ang mga drug lord kaya siguradong piyesta na naman mga ito.
Nasasayangan si Dela Rosa sa naging effort nila kaya dapat punuan ang vacuum na iiwanan ng PNP at dapat aniya ma-challenge ang community, LGU, lahat ng mga stakeholders.
Dapat aniya mahikayat ang lahat na gawin ang kanilang share para tuluyan ng masawata ang iligal na droga sa bansa.
Banggit pa ni PNP chief na ang PDEA ay mayroon lamang na 1,700 personnel sa buong bansa kung kayat kailangan nila ng tulong.
Inihayag ng PNP na pokus nila ngayon ang anti-criminality campaign partikular ang mga riding-in-tandem, internal cleansing at anti-terrorism operations.
Ipinag-utos na rin ni PNP chief ang pagbuwag sa lahat ng PNP drug enforcement units sa buong bansa at suspendido na rin ang implementasyon ng Project Double barrel at Oplan Tokhang.
Samantala, tiniyak naman ng PNP na aarestuhin pa rin nila ang mga indibidwal na maaktuhan na gumagawa ng mga iligal na aktibidad.