Nanindigan si PNP chief Police Director Gen. Ronald Dela Rosa na malalagay sa alanganin ang buhay ng mga pulis kapag kanilang isusumite ang mga case folders ng mga “nanlaban.”
Sinabi ni PNP chief na pabor siya na hindi isumite ang nasabing mga case folders sa Korte Suprema kaugnay sa pagdinig ng Oplan Tokhang.
Paliwanag ni PNP chief na kapag naisumite ang nasabing mga dokumento ay magiging accessible na ito sa publiko kaya malagay sa alanganin ang buhay ng mga pulis maging ng kanilang pamilya dahil magiging target ito ng mga drug lord.
Aniya, nakakaawa ang kanyang mga pulis kung balikan sila ng kanilang mga kalaban.
Una nang sinabi ni Solicitor General Jose Calida na isang national security issue kung isusumite ng PNP ang mga nasabing case folder.
” Once you give it because that’s public already so anybody can access to that information so kawawa naman yung pulis natin nagtatrabaho ng ilang beses sinusuong buhay nila sa panganib at ngayon just like that na uncover sila na sila pala nag operate doon sa sindikato. Kaya nga nila pumatay ng judge, mayor,” wika ni Dela Rosa.
Nais ni PNP chief na mabigyan siya ng pagkakataon para ipaliwanag sa mga huwes kaugnay ng kanilang posisyon.
Samantala, tiniyak ni Dela Rosa na hindi magiging bahagi sa kanilang Oplan Tokhang ang mga pulis na may record o sangkot sa mga kaso ng iligal na droga.