Para kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, naibigay na ang hustisya sa pagkamatay ng 44 na SAF troopers, matapos na masawi sa madugong operasyon ang International terrorist na si Zulkifli Bin Hir Alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25, 2015.
Ayon kay Sinas para sa kanya nakuha na ng pamilya ng SAF44 ang hustisya dahil lahat ng tulong at benepisyo para sa mga pamilya naibigay na.
Sa ngayon ay may mga tulong pa sa pamilya ng SAF 44 ang nagpapatuloy katulad ng scholarship sa mga anak ng mga nasawing SAF 44 at pabahay.
Sinisiguro naman ng PNP na hindi napuputol ang mga benepisyong ito.
Samantala, para naman kay Roselle Nacino, biyuda ni PO3 Nicky Nacino Jr. hindi pa nakakamit ang totoong hustisya dahil hindi pa napaparusahan ang mga opisyal na nagpabaya sa SAF 44.
Panawagan ni Ginang Nacino sana muling mabuksan ang kaso para mapanagot ang mga matataas na opisyal na nagpabaya sa trabaho.
Sa ngayon aniya wala naman daw problema sa mga benepisyong
nakukuha nila sa PNP.
Samantala, tiniyak ng pamunuan ng PNP Special Action Force (SAF) na hindi na mauulit pa ang madugong Mamasapano massacre na ikinasawi ng 44 na SAF troopers.
Ayon kay PNP SAF Director Maj. Gen. Bernabe Balba, sumasabak ngayon sa mga coordination training ang mga SAF troopers.
Layon nito para mapalakas pa ang koordinasyon ng mga police commando sa kanilang mga counterpart lalo na sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa ibat ibang stakeholders para maiwasan na magkaroon ng failure sa coordination.
Inihayag ni Balba, bukod sa mga trainings para sa mga SAF personnel, kanila rin pinapalakas ang kanilang mga equipment at facilities.
Sa katunayan may mga procurement na rin sila para sa kanilang mga bagong kagamitan.
Ngayong araw ginugunita ang National Day of Remembrance para sa 44 SAF troopers na napatay sa Mamasapano,Maguindanao.