-- Advertisements --
Gamboa
PNP chief Lt. Gen. Archie Gamboa

Umalma si PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa paglabas sa media ng pangalan ni Lt. Col. Jovie Espenido bilang kasama sa 357 na pulis na nasa narco list.

Sa panayam kay Gamboa, matapos ang body mass index test sa 80 mga pulis, sinabi nito nainsulto siya sa nangyari dahil nakiusap umano ito sa media na huwag ilahad sa publiko kung sino-sino ang nasa listahan dahil kailangan pang isailalim ang mga ito sa validation.

Hindi naman kinumpirma ni PNP chief na kabilang si Espenido sa bagong drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dumistansya si Gamboa tungkol kay Espenido at sinabing hindi nya sasagutin ang mga tanong ukol dito.

Nabatid na si Espenido ay isa sa mga frontliner police officers ng Pangulo sa kampaniya ng administrasyon kontra iligal na droga.

Naging laman ng balita ang pangalan ni Espenido matapos masawi ang mga suspected narco politicians na sina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at Ozamis Mayor Reynaldo Parojinog habang siya ang nagsisilbing chief of police sa nabanggit na mga lugar.