Walang problema umano para kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang pag-armas sa mga prosecutor at pari bilang proteksyon sa sunod-sunod na insidente ng karahasan laban sa mga ito.
Sinabi ni Albayalde na karapatan ng sinuman na protektahan ang kanyang sarili kung sa tingin niya ay may panganib sa kanyang buhay.
Pero binigyang diin ng PNP chief na ang sinumang nais na magdala ng armas ay kailangang dumaan sa legal na proseso.
Aniya, walang special treatment na ibibigay kanino man ang PNP at kailangang maka-comply sa lahat ng requirements para makakuha ng license to own and posses firearms at permit to carry firearms outside of residence.
Inihayag pa ni Albayalde, para mas maging convinient ang proseso para sa mga prosecutors na gustong magdala ng armas, magsasagawa ng “one-stop-shop caravan†sa DOJ ang PNP-Firearms and explosives Office (FEO).
Hinimok naman ni Albayalde ang mga pari na nangangamba sa kanilang buhay na makipag-ugnayan lang sa PNP para magawan ng kaukulang aksyon.
Ipinag-utos na rin ni PNP chief sa lahat ng mga police commanders sa buong bansa na makipag-ugnayan sa mga pari at iba pang miyembro ng religious groups lalo na sa may mga natatanggap na banta sa kanilang buhay ng sa gayon mabigyan ang mga ito ng proteksiyon.