-- Advertisements --

Pauuwiin na lang umano sa Davao ni PNP chief Ronald Dela Rosa ang kanyang anak na si Rock para maghanap ng ibang trabaho, kung hindi nito makakayanan ang pag-aaral nito sa PNP Academy (PNPA).

Pahayag ito ni Dela Rosa matapos na mapaulat na kailangang mag-remedial exams si Rock para tumuloy sa kanyang ikalawang taon sa PNPA.

Ayon sa PNP chief, si Rock mismo ang umamin sa kanya na nanganganib siyang bumagsak hindi lang sa isa kundi dalawang subjects.

Sinabi naman ni Dela Rosa na nauunawaan niya na normal lang sa mga mag-aaral na kailangang mag-removal exams dahil maging siya mismo ay kinailangang mag-removal exams sa matematika noong kadete pa siya sa Philippine Military Academy.

Giit ni PNP chief, wala naman siyang ibang magagawa kundi payuhan ang kanyang anak na mag-aral ng mabuti para maipasa ang mga removal exams.

Ayaw naman aniya niyang i-pressure ang kanyang anak dahil naiintindihan niya na sadyang mahirap din ang situasyon ni Rock bilang anak ng PNP chief.

Kung ano man aniya ang mangyari ay bukas na loob parin niyang tatanggapin ang kanyang anak.