-- Advertisements --

magsayo1

Bumisita si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa burol ni PNPA Cadet 3rd Class George Karl Magsayo sa PNPA Compound sa Silang, Cavite para personal na makiramay sa pamilya ng kadete.

Muling tiniyak ni Eleazar ang mabilis na resolusyon sa umano’y insidente ng hazing na ikinasawi ng kadete at hustisya para sa pamilya.

Kasabay nito, siniguro ng PNP chief sa publiko lalo na sa mga magulang ng mga kadeteng pulis sa kanyang personal na pagbisita kahapon na hindi kailanman hahayaan ng PNP na mamayagpag ang kultura ng hazing o anumang uri ng karahasan sa mga kadete sa loob ng akademiya.

Ayon kay Eleazar, inatasan na niya si PNPA director M/Gen Rhoderick Armamento, at Directorate for Human Resources and Doctrine Development (DHRDD) director B/Gen Arthur Bisnar, na magsagawa ng review at adjustments sa mga umiiral na regulasyon at academic polices ng PNPA, upang tuluyang matigil ang hazing.

Base sa mga paunang ulat, Setyembre 23, nang limang beses suntukin si Magsayo ng kaniyang upperclassman na si Cadet Second Class Steve Ceasar Maingat hanggang sa bumulagta ito.

Agad siyang dinala sa ospital subalit idineklara ring dead on arrival.

Kasalukuyang nanatili sa Silang Municipal Police Station ang kadeteng suspek at ngayong nakatakda na itong sampahan ng kasong Kriminal.

Nanawagan naman ang pamilya Magsayo ng hustisya para kay Karl Magsayo.

Magsayo3

Samantala, ayon kay PNPA Public Information Office chief, Lt Col. Louie Gonzaga, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Special Task Group Magsayo sa pagkamatay ni PNPA Cadet Third Class Karl Magsayo matapos suntukin sa tiyan ng limang beses ng kanyang upperclassman na si Cadet 2nd Class Caesar Steve Maingat.

Ayon kay Gonzaga, bandang alas-5:40 nang hapon noong Huwebes nang ma-late sa latrine o shower time ang biktima kaya siya napagsabihan ng suspect.

Pagkatapos ng sagutan sa shower room ay pinag-report pa umano ng suspect ang biktima sa kanilang dormitory room kung saan muling nagkasagutan ang dalawa.

Ayon sa mga testigong kadete, limang beses sinuntok sa tiyan ng suspect ang biktima kaya ito nawalan ng malay, agad tumawag ng paramedics ang mga kaklase.

Itinakbo sa hospital pero idineklarang patay na si Magsayo pagdating sa pagamutan.

Ayon kay Gonzaga hinihintay pa nila ang resulta ng autopsy sa bangkay ni Magsayo.

Si Cadet Maingat ay direct upperclassman ni Cadet Magsayo at bahagi ng training ng mga kadete na i-mentor o alalayan sa Academy ang kanilang lowerclassman.