Pinaalalahanan ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang lahat ng mga pulis laban sa pagpasok sa partisan politics ngayong papalapit na ang panahon ng eleksyon.
Ang paalala ni Eleazar ay bunsod sa naging babala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa mga pulis na manatiling non-partisan, walang kinikilingan kung hindi masisibak sa serbisyo ang mga ito.
“Policemen have no business in politics unless they resign and run for public office or openly support a candidate. We have already mechanisms to isolate the PNP from politics and we will make sure that all of these are in place and are properly observed,” pahayag ni Eleazar.
Kamakailan, tinanggal sa serbisyo ng National Police Commission sa pamumuno ni Sec. Año ang anim na pulis ng Negros Oriental matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct at grave irregularities in the performance of their duty nang isailalim nila sa illegal search at seizure si dating Moises Padilla Vice Mayor Ella Garcia – Yulo noong 2017.
Matapos ang imbestigasyon, nabatid ng Napolcom na ang anim na pulis ay sangkot sa political harassment kay Yulo na noon ay nagpaplanong tumakbo sa pagiging mayor noong 2019 laban sa kasalukuyang Mayor na si Magdaleno Peña.
“Gaya ng babala ni SILG Eduardo Año, aking pinaaalalahanan ang ating mga pulis na huwag na makigulo pa of makisawsaw sa mundo ng pulitika. Huwag po tayong magpagamit sa mga pulitiko na may hindi magandang agenda dahil sa huli, ikasisira lang natin ito,” dagdag pa ng Heneral.
Giit ni Eleazar, dapat pagtuunan ng mga tauhan ng PNP kung paano masisigurong maayos, kapanipaniwala at ligtas ang darating na pambansa at lokal na eleksyon sa susunod na taon.
“Ang ating pagtuunan ng pansin ay kung paano makatutulong ang PNP na matiyak ang malinis at maayos na halalan sa 2022,” ayon pa kay Eleazar.