Inatasan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang pamunuan ng National Capital Region (NCR) na imbestigahan ang pagkakapaslang sa isang barangay chairman sa Caloocan City.
Batay sa inisyal na impormasyon, habang inaasikaso ng biktima ang kaniyang tindahan bigla na lamang siyang binaril ng hindi pa nakikilalang suspek nuong Lunes ng gabi, November 1,2021.
Kinilala ni PNP Chief ang biktima na si Jerry Apostol, chairman ng Barangay 143 sa Caloocan City.
Patay on the spot ang biktima habang nagtamo ng sugat ang kaniyang asawa.
Siniguro ni Eleazar na lahat ng posibleng anggulo ay kanilang iimbestigahan para matukoy kung sino ang nasa likod ng pamamasalang at mananagot ang mga salarin.
Nagpa-abot naman ng pakikiramay si PNP chief sa pamilya ni Apostol.
Inatasan din ni Eleazar ang lahat ng police units para palakasin ang kanilang kampanya laban sa loose firearms at private armed groups para maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Umapela ang PNP sa mga testigo na lumantad at magbigay ng impormasyon sa otoridad.