-- Advertisements --

Ipinag-utos na ni PNP chief Oscar Albayalde sa Police Regional Office 10 na imbestigahan ang pananambang sa dating prosecutor ng Ozamiz City na si Atty. Geronimo Marabe Jr.

Tinambangan nitong Martes ng alas-10:30 ng umaga si Atty. Marabe ng apat ng hindi nakikilalang armadong kalalakihan habang nakasakay ito sa kaniyang sasakyan.

Ayon kay Albayalde, maraming anggulo na posibleng motibo sa pagpatay sa dating prosecutor.

Isa dito ay may kinalaman sa kaniyang trabaho bilang dating prosecutor ng Ozamiz, personal na galit, drugs kung saan may pinalaya itong drug suspek.

Sinabi ni Albayalde na nakausap na nito si P/Supt. Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz PNP, at sinabi nito sa kaniya na wala pa umano silang lead kaugnay sa insidente.

Noong Nobyembre 2017 nang magretiro si Marabe bilang prosecutor at nag-private practice ito.

Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP Spokesperson C/Supt. John Bulalacao, nakatutok ang PNP national headquarters sa nasabing kaso at agad nila itong isapubliko sa media kapag mayroon nang development.

Kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Ozamiz City Vice Mayor Nova Parojinog habang nakakulong sa Quezon City Jail ang kapatid nitong si Reynaldo Parojinog.