-- Advertisements --

fisher1

Pinapurihan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga police personnel nito sa Sto. Niño Municipal Police Station sa lalawigan ng Leyte.

Ito’y matapos masagip ng pulisya ang humigit kumulang sa 50 mangingisda na inanod ng mga alon habang nasa karagatan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Jolina.

Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, hindi inalintana ng mga pulis ang kakulangan nila sa kagamitan, masagip lamang ang mga kababayang nangangailangan ng tulong.

“Napanood ko mismo ang video ng isinagawang rescue operation at talaga namang kahanga-hanga ang tapang at determinasyon na ipinakita ng ating mga kapulisan na inilagay sa alanganin ang kanilang mga sariling buhay mailigtas lamang ang buhay ng ating mga kababayan,” pahayag pa ni Eleazar.

Pero sa kabila ng pagkakasagip sa naturang mga mangingisda ay may apat na labi naman ang nakuha ng pulisya matapos malunod.

Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa pamilya ng mga nasawi at nasagip upang maiproseso na agad ang kanilang pag-uwi.

“On behalf of the men and women of the PNP, I commend and express my deepest gratitude to the personnel of the Sto. Niño Municipal Police Station for showing the true meaning of police service. Kayo ang tunay na mukha ng PNP, ang mga Pulis ng Pilipino,” wika pa ni Eleazar.