Pinasisibak na sa serbisyo ni Philippine National Police chief General Debold Sinas ang hepe ng Zamboanga City Police Office Drug Enforcement Unit (DEU).
Ito’y matapos magpositibo sa drug test si Police Major Jiverston Pelovello.
Ayon kay Sinas, walang puwang sa PNP ang mga abusadong pulis kaya agad nyang pinalagay sa restrictive custody si Pelovello na ngayon ay nasa Regional Personnel Holding and Accounting Section of Police Regional Office-9 na.
Sa ngayon, gumugulong na ang pre-charge investigation sa pulis para sa summary dismissal nito.
Dagdag pa ni Sinas, 60 na mga tauhan ng Zamboanga City Police Office ang isinalang sa drug test kasama na ang 12 mga CDEU personnel pero si Pelvello lang ang nagpositibo sa iligal na droga nitong nakaraang December 18, 2020.
Lumabas naman ang confirmatory result ng drug test noong January 6, 2021.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PRO-9 regional police director B/Gen. Ronaldo Ylagan, sinabi nito na agad dinis-armahan ang nasabing opisyal at inilagay sa holding and accounting unit ng regional police headquarters.
Aniya, regular drug test ang isinagawa at dito nagpositibo ang mismong hepe ng Drug Enforcement Office ng Zamboanga City Police Office.
Siniguro ni Ylagan masisibak sa serbisyo ang nasabing opisyal.
Aniya, magpapatuloy ang kanilang surprise drug test sa lahat ng mga provincial and city police office sa buong rehiyon.