Ngayon pa lamang ay nagbabala na si Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa sa mga drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Dela Rosa, puwedeng maging madugo ang kanyang pamamalakad kung manlalaban ang mga drug lord sa NBP.
Aminado si Dela Rosa na maaring lumipat siya sa Bureau of Corrections (BuCor) kapag natapos na niya ang pinapagawa sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP.
Una raw niyang gagawin ay ang i-account ang lahat ng mga drug lord at siguruhin na hindi na maipagpapatuloy ng mga ito ang kanilang illegal drug activities sa loob ng Bilibid.
“I’ll see you there!” ani Dela Rosa sa mga drug lord sa Bilibid kaugnay ng kanyang napipintong paglipat sa BuCor pagkatapos ng kanyang termino bilang PNP chief.
Kung maaalala, kinumpirma ng Malacanang kahapon na ililipat ng pangulo si Dela Rosa sa Bureau of Corrections pagkatapos ng kanyang retirement.
Pero kinumpirma ni Dela Rosa na sinabihan siya ng Pangulo na manatili muna siya ng tatlong buwan pagkatapos ng kanyang takdang mandatory retirement sa January 21, 2018, bagay na kanyang ikinagulat.