-- Advertisements --

Pina-alalahanan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga delivery at courier service companies na kilatisin muna ng mabuti ang kanilang mga kinukuhang delivery riders para masigurado na hindi nagagamit ang kanilang kumpanya sa mga iligal na transaksiyon at lalo na ang paghahatid ng mga kontrabando.

Hinimok naman ng PNP ang mga delivery at courier companies na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad sakaling may matunugan silang ganitong mga modus nang sa gayon agad ito maaksiyunan.

Magugunita na isang delivery driver ang naaresto ng mga tauhan ng PNP at PDEA sa ikinasang buybust operation sa Barangay 84 Caloocan City.

Nakilala ang suspek na si Arturo Dela Cruz, 38-anyos.

Nakumpiska sa kaniyang posisyon ang nasa 500 grams na shabu na nagkakahalaga ng P3.4-M.

Inatasan na rin Eleazar ang PDEG na imbestigahan ang nasabing kaso para malaman ang operasyon ng suspek.

Inaalam na rin ng PNP kung sino ang supplier ng suspek at kung saan nito idi-deliver ang nasabing iligal na droga.

Kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng PDEA ang suspek at nahaharap sa kasong illegal drugs.

Pinuri naman ni Eleazar ang matagumpay na joint operations ng PNP at PDEA.