Pinaalalahanan ni PNP chief Director-General Ronald Dela Rosa ang lahat ng mga police commanders lalo na sa mga lugar na mataas ang banta ng New People’s Army (NPA) na may umiiral na one-strike policy para sa mga police stations na masasalakay ng komunistang grupo.
Pinatitiyak din ni Dela Rosa sa lahat ng mga pulis na siguruhing madedepensahan nila ang kanilang mga himpilan sa pag-atake ng NPA.
Aniya, ang sinumang pulis na hindi lumaban at basta na lamang isuko ang kanilang mga armas sa NPA ay kakasuhan.
Sagot naman ni PNP chief sa banta ni Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sison na gawin nito ang kanilang banta na papatay ang NPA ng isang sundalo o pulis araw araw hanggang sa buhayin muli ang peace talks.
Hinimok din ng heneral ang mga pulis na tularan ang ehemplo ng walong pulis ng Binuangan, Misamis Oriental Municipal Police Station na matagumpay na naipagtanggol ang kanilang himpilan laban sa 200 NPA terrorists na lumusob sa kanila.
Ang walong pulis, sa pangunguna ni S/Insp. Dante Hallazgo, ay binigyan ng meritorious promotion sa Camp Crame kamakalawa dahil sa kanilang katapangan.