Ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga Police Regional Offices commanders na siguraduhing kabisado ng kani-kanilang mga tauhan ang mga patakaran sa iba’t ibang alert level upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad nito.
Ito ay kasunod ng desisyon ng pambansang pamahalaan na ipatupad na rin ang COVID Alert level system sa labas ng National Capital Region (NCR) mula Oktubre 20 hanggang Oktubre 31.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang Negros Oriental at Davao Occidental ay isasailalim sa Alert Level 4; at Alert Level 3 naman ang Cavite, Laguna, Rizal, Siquijor, Davao City at Davao del Norte.
Habang, Alert Level 2 ang Batangas, Quezon, Lucena City, Bohol, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cebu, Davao de Oro, Davao del Sur, and Davao Oriental.
Sinabi ni Eleazar na hudyat ito ng unti-unting pagbabalik sa normal ng sitwasyon sa bansa.
Gayunpaman, sinabi ni Eleazar na hindi ito dahilan para mag-relax ang PNP, at may kautusan na ang mga unit commanders na siguraduhing ang mga pinaluwag na patakaran ay hindi magreresulta sa pagkakaroon ng mga “super spreader events”.