Nagbabala si PNP chief PGen. Archie Francisco Gamboa na hindi makakatakas sa kamay ng batas ang mga indibidwal na patuloy na lalabag sa mga panuntunan ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Gamboa, abangan na lamang daw ang araw kung kailan nila sasampahan ng kaso sa korte ang mga pasaway.
Karamihan din aniya sa mga violators ay hindi ikinukulong, dahil sa dino-document lamang ng mga kinauukulan ang ginawa nilang mga paglabag.
“Some local government executives have in fact signified approval to more radical proposals to impose tougher measures against violators of the ECQ,” dagdag ni Gamboa.
Muling binigyang-diin ng heneral na ngayong panahon ng ECQ, dapat na sundin ang pagsusuot ng face masks at pagsasagawa ng social distancing para hindi na kumalat pa ang COVID-19.
Ito rin aniya ang rason kung bakit nadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte, dahilan para magbabala ito na mala-martial law ang ipatutupad niyang lockdown sa sandaling tumaas pa ang bilang ng mga nagsislabag sa ECQ.
Inihayag ni Gamboa na handa naman ang PNP sa anumang ibababang kautusan ni Pangulong Duterte.
Nanawagan din ang hepe ng pulisya sa lahat ng mga regional directors na kumilos bilang tugon sa pahayag ng Presidente.