-- Advertisements --

christine Ica dacera

72 hours o tatlong araw mula kahapon ang ultimatum na binigay ni PNP Chief Gen. Debold Sinas sa mga suspeks na at-large ngayon dahil sa panghahalay at pagpatay sa Flight attendant na si Christine Angelica Decera para sumuko sa mga otoridad.


Babala ni Gen. Sinas, sa paglipas ng itinakdang palugit ay magiging subject ng manhunt operation ng PNP ang mga suspek at hindi magdadalawang isip ang mga pulis na gumamit ng pwersa kung kinakailangan para mahuli ang mga ito.

Ayon kay Sinas, tukoy na ang lahat ng mga suspek at sila ay dapat I-surrender ng kanilang mga pamilya sa mga otoridad.

Binalaan din ni Sinas, ang sinumang tumutulong sa pagtatago ng mga suspek ay kakasuhan din.

Paliwanag naman ni PNP Spokesperson BGen. Ildebrandi Usana, kahit wala pang warrant of arrest laban sa mga suspek, sila ay na-identify na kasama ng biktima nang siya ay mamatay kaya kailangan nilang iprisinta ang kanilang sarili sa mga otoridad para magpaliwanag.

Hindi rin aniya makakatulong sa kanila ang pagtatago dahil nagpapatunay lamang ito na guilty sila sa krimen.

Tatlong suspek na ang nasa kustodiya ng PNP, habang walo ang pinaghahanap pa ng mga awtoridad.

Una ng sinabi ni PNP Chief na solved case na ang kaso ni Decera matapos matukoy ang mga suspeks at nakakulong na ang tatlo sa mga ito.

Nakahanda na rin ang mga tracker teams ng PNP na tutugis sa mga suspeks na hindi susuko sa otoridad.