Kailangan umano munang ipakita ng New People’s Army (NPA) na sinsero sila sa pakikipag-usap sa pamahalan bago tuluyang ibalik ang usapang pangkapayapaan.
Reaksiyon ito ni PNP chief Ronald Dela Rosa sa panawagan ng nasa mahigit 60 mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-resume muli ang peace talks sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Ayon kay PNP chief, hangad din ng mga taga-security sector na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan at tuluyan nang mawala ang problema sa insurgency.
Pero aminado si Dela Rosa na ang hirap umano sa NPA ay ginagamit ang usapang pangkapayapaan at ceasefire declaration para magpalakas at mag-recruit ng mga bagong miyembro.
Aniya, ipakita muna ng komunistang grupo na hindi nila niloloko ang pamahalaan sa pamamagitan ng hindi paghikayat ng mga bagong miyembro at paghinto sa pagpapalakas ng kanilang pwersa.
Giit ng heneral, public knowledge na raw ang ginagawang panloloko ng komunistang grupo sa tuwing magsisimula muli ang peace talks.