-- Advertisements --

Nagbilin si PNP chief Oscar Albayalde sa PNP-Special Action Force (SAF) na protektahan ang kanilang imahe laban sa mga tiwaling elemento na nakasisira sa organisasyon.

Mensahe ito ng PNP Chief sa pagdiriwang ng ika-35 anibersaryo ng SAF sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City nitong Martes ng umaga.

Sinabi ni Albayalde na bilang isa ring dating miyembro ng SAF, hindi niya hahayaan ang sinuman na magdulot ng kahihiyan sa SAF.

Nitong Lunes lang ay agad na ipinag-utos ni Albayalde ang agarang pagsibak sa serbisyo ng isang policewoman na miyembro ng SAF na naaresto sa isang pot session.

Sinabi ng heneral, bilang elite unit ng PNP, inaasahan niya ang mga SAF troopers na panatilihin ang kanilang disiplina sa pagsulong ng internal cleansing program ng PNP.

Kinilala naman ni PNP Chief ang mga accomplishments ng SAF na kinatampukan ng kanilang matagumpay na kampanya sa pagpapalaya sa lungsod ng Marawi.

Nagbigay-pugay din si PNP chief sa apat na SAF troopers na namatay at 60 nasugatan sa giyera sa nuong kasagsagan ng Marawi siege.