Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Oscar Albayalde na nagkataon lamang na unang araw niya sa puwesto,ang isinagawang operasyon ng Bulacan-Police Provincial Office na ikinasawi ng 13 suspek.
Ito ay mula 49 police operations sa buong probinsiya.
Sa panayam kay Albayalde, sinabi nito na sa kaniyang pagkakaalam ay matagal na itong nakaplano at nagkataon na inilunsad ito isang araw matapos ang turnover ceremony.
Muling binigyang-diin ni Albayalde na lalo pang magiging masigasig ang PNP sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Hindi aniya sila titigil sa kanilang giyera kontra droga kaya direktiba nito sa mga ground commanders na kung kinakailangan ay doblehin ang kanilang trabaho, gagawin nila ito.
Giit ng bagong PNP chief, malaki ang ipinagbago sa peace and order sa pinalakas na kampanya kontra iligal na droga.
Mensahe naman ni Albayalde sa mga pulis na maging maingat sa kanilang operasyon para maiwasan na magkaroon ng casualties.