Ipinag-utos ngayon ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang imbestigasyon hinggil sa isyung umano’y talamak na illegal logging activities sa Region 2.
Ito ay matapos ireklamo ng mga residente ng Cagayan Valley ang nasabing iligal na aktibidad.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Ildebrandi Usana, hindi nagpabaya ang PNP partikular ang Police Regional Office (PRO-2) sa kanilang kampanya laban sa illegal logging.
Sinisi kasi ng mga residente ang umano’y talamak na illegal logging activities bilang sanhi ng malawakang pagbaha na naganap sa rehiyon.
Ayon kay Usana, nakatanggap sila ng report mula sa PRO-2 na bago pa man ang kalamidad sa Cagayan ay aktibo ang kanilang illegal logging campaign.
Sa ulat ni PRO-2 regional director B/Gen. Crizaldo Nievez, sa pagpapatupad nila ng anti-illegal logging campaign simula Pebrero hanggang sa kasalukuyang buwan, nakapagsagawa sila ng 322 operasyon kung saan 404 na illegal loggers ang naaresto, at 265 kaso ang naisampa.
Iniulat pa ni Nievez na sa mga operasyong ito ay 177,054 board feet ng lumber na nagkakahalaga ng mahigit P5 milyon ang narekober, at 86 assorted vehicles at 62 chainsaw ang nakumpiska, bukod sa mahigit 1000 chainsaw na isinuko.
Nilinaw naman ni Usana na checkpoints lang ang minamanduhan ng PNP at mga tauhan ng DENR ang nagbabantay sa kagubatan, pero hindi aniya nagkukulang ang koordinasyon ng mga pulis sa mga DENR foresters.