-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Tiniyak ni PNP Chief Debold Sinas na makakamit ang hustisya sa pagkamatay ni Police Lt. Col. Walter Annayo.

Personal na nagtungo si Sinas kaninang madaling araw sa lamay ni Annayo sa isang punerarya sa Baguio City.

Si Annayo ang dating hepe ng Jolo, Sulu Police Station at ito ay nasawi sa pamamaril sa Sultan Mastura, Maguindanao noong Sabado.

Inatasan ni Sinas ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa imbestigasyon sa kaso.

Naniniwala ang PNP chief na mas bihasa ang CIDG sa paghawak sa mga kaso at ipinangako din niyang magtutulungan ang CIDG at ang mga orihinal na imbestigador ng kaso sa pagkamatay ni Annayo.

Sa ngayon, sinabi ni Sinas na wala pa silang nakikitang rason sa pagpatay kay Annayo at kung may kaugnayan ba ito sa pagpatay sa apat na intelligence Officer ng AFP noong Hunyo 30 o personal ang naging motibo sa krimen.

Ipinangako ni Sinas na sasagutin ng PNP ang gastos sa burol hanggang sa libing ni Annayo.

Hiniling naman ng misis ng biktima na si Alma Annayo ang paglantad ng mga nakasaksi sa krimen para makatulong sa paghuli sa mga salarin.

Maaalalang nangyari ang pamamaril nang ipinarada ni Annayo ang kanyang sasakyan upang bumili ng buko.

Sinamantala ito ng mga suspek at dito nila pinagbabaril si Annayo na nagresulta sa agaran nitong pagkasawi.